MANILA, Philippines – Nangunguna ngayon ang Pilipinas sa 15 bansa na miyembro ng APMEN (Asia Pacific Malaria Elimination Network) sa pagsugpo ng sakit na malaria.
Bumaba sa mahigit sa 7,700 ang kaso ng malaria noong nakaraang taon, kumpara sa mahigit 46,300 noong 2005. Nabawasan din ng 92% ang bilang ng mga namatay sa parehong period.
Target naman ng pamahalaan na maging malaria-free ang bansa sa 2020.
Sa ngayon ay umabot na sa 27 ang malaria-free na lalawigan na karamihan ay mula sa Southern Luzon, Visayas at North Eastern Mindanao.
Top 5 naman sa may pinakamaraming kaso ng malaria sa bansa ang Palawan, Tawi-Tawi, Sulu, Maguindanao at Zambales.
Ang malaria ay human infection ng protozoan parasite na tinatawag na plasmodium. Nakukuha ito mula sa kagat ng lamok na tinatawag na anopheles.
Ayon kay DOH Spokesman Eric Tayag, sa ngayon ay kaya pang gamutin ang strain ng malaria na nasa Pilipinas.
“Yung vivax hindi ito killer malaria strain, kundi mahirap lang ma-detect at saka nagiging pangmatagalan. Ibig sabihin nagkaroon ka na nito so akala mo nagamot kana yun pala yung mga parasites nasa atay mo pa nananahimik doon tapos paulit-ulit yung malaria mo.”
Binabantayan naman ngayon ng DOH ang iba pang strain ng malaria na pinoproblema sa mga karatig bansa.
Ayon kay Asec. Tayag, “Swerte tayo sa Pilipinas hindi pa resistant yung pacipal malaria natin. Yung gamot natin uubra pa pero sa ibang bansa katulad ng Thailand, Cambodia, Laos nagkakaron na sila ng problema don.”
Pinagaaralan na rin ngayon ng mga eksperto ang isa pang strain ng malaria na nakukuha sa unggoy.
“Pangatlo yung inaalam naming yung monkey malaria. Kasi ang sa monkey dapat sa monkey lang. eh bakit makakahawa sa atin.”
Payo ng DOH, kung pupunta sa mga lugar na may naitatalang kaso ng malaria lalo na sa mga tourist sites na gaya ng Palawan, magdala ng kulambo at insect repellant o kaya naman ay uminom ng anti-malaria drugs.
Mas makabubuti rin na huwag nang gumala sa lansangan sa gabi dahil sa mga oras na ito umaatake ang malaria-carrier mosquito, at kung hindi naman maiiwasan ay magsuot ng damit na mahaba ang manggas.
Payo ni Tayag, agad na magpatingin sa doktor kung may kakaibang nararamdaman gaya ng lagnat, at pananakit ng ulo pagkagaling sa isang lugar.
“Magkakaroon ka ng lagnat, chills, headache. Kung matagal-tagal may pamumutla pa pero delikado yan sa mga bata sa mga buntis.”
Sa ngayon ay pinagtutulungan ng DOH, APMEN at iba pang NGO ang pagpopondo para sa pagpuksa sa malaria. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)