MANILA, Philippines – Personal na nagtungo kanina sa general headquarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Quezon City ang pamilya ni Cadet First Class Aldrin Jeff Cudia kasama si Public Attorney’s Office Chief Percida Acosta upang iapela ang desisyon ng Philippine Military Academy (PMA) na alisin sa listahan ng mga magtatapos si Cadet Cudia.
Sa pagharap sa media, sinabi ni Renato Cudia, ama ni Cadet Cudia na umaasa sila na magpagbibigyan ng pamunuan ng AFP ang kanilang kahilingan.
“Ang mga general po dito, saludo po kami sa kanila nawa po ay makamtan namin ang hustisya para sa aming anak na naghirap at nagtiis ng apat na taon.”
Tiniyak naman ni AFP Spokesperson Major General Domingo Tutaan na pagaaralan nila ang isinumiteng apela ng magulang ni Cudia.
“This appeal memorandum was received by the Deputy Chief of Staff for Personnel J1, he told me that he will be getting in touch to General Bautista on this to look the merits in the appeal in the memorandum,” pahayag ni Tutaan.
Agad namang iaakyat sa korte ng Public Attorney’s Office ang kaso ni Cadet Cudia sakaling hindi ito makasama sa graduation rites sa linggo.
Iginiit ni Atty. Percida Acosta na may matibay silang ebidensya na acquitted si Cudia batay sa resulta ng botohan ng honor committee.
“May mga affidavit ng kasamahan din nila na nagpapatibay na dapat ay acquitted si Mr. Cudia,” saad ni Acosta.
Samantala, wala pang desisyon si Pangulong Aquino kaugnay ng kaso ni Cudia. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)