MANILA, Philippines — Nakiramay si Pangulong Benigno Aquino III sa pamilya ng mga sundalong nasawi sa bakbakan kontra sa mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu.
Personal na dumalaw si Pangulong Aquino sa labi ng mga napatay na sundalo na kasalukuyang nakalagak sa Philippine Marines Headquarters sa Fort Bonifacio.
Siniguro naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tatanggap ang mga naulilang pamilya ng mga benepisyo kasama ang pensyon, college scholarship, cash assistance at iba pa.
Bukod pa ito sa inaprubahan ng pangulo na P250,000 cash na ipagkakaloob sa bawat pamilya ng mga nasawing sundalo habang P50,000 naman sa pamilya ng mga nasugatan.
Kasabay ng pakikiisa ng administrasyong Aquino sa pagluluksa ng sambayan, nangako itong papanagutin ang mga pumaslang sa mga sundalo para makamit ang hustisya.
Kabilang sa mga nasawi sa bakbakan sina 2Lt. Alfredo E. Lorin, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 2011; Corporal Jay B. Alasain, Private First Class Andres R. Bogwana, PFC Rene A. Gare, PFC Jayson C. Durante, PFC Dominador A. Sabejon, at PFC Roxas L. Pizarro. (Jerick Mojica & Ruth Navales, UNTV News)