MANILA, Philippines – Isusulong sa senado ang panukalang tuition exemption sa mga anak ng mga sundalong napatay sa pakikipaglaban para sa bayan.
Kasunod ito ng pagkasawi sa bakbakan ng pitong miyembro ng Philippine Marines laban sa bandidong grupong Abu Sayyaf sa Patikul, Sulu.
Ayon kay Senator Alan Peter Cayetano, layon nitong tiyakin na makapagtatapos ng pag-aaral ang mga anak ng mga napatay na sundalo at mabigyan ng karampatang tulong ang naulila nitong pamilya.
Sinabi pa ng senador na dapat ay exempted ang mga anak ng sundalo sa pagbabayad ng tuition sa public schools, state universities and colleges, pre-school at post graduate courses.
Aniya, sa pamamagitan ng panukala ay maipapakita sa pamilya ng mga napatay na sundalo na hindi nalilimutan ang kanilang kabayanihan.
Para naman kay Senador Chiz Escudero, dapat tutukan ng pamahalaan ang isyung ito at parusahan ang mga bandidong grupo.
Sinabi ni Escudero na ang usaping pangkapayapaan ay puwede lamang sa New People’s Army (NPA) at hindi sa Abu Sayyaf Group (ASG).
“Dapat talaga lipulin, ubusin at hulihin lahat ng Abu Sayyaf at walang usaping pwedeng gawin sa mga teroristang grupo tulad nila.” (Bryan De Paz & Ruth Navales, UNTV News)