![](http://www.untvweb.com/news/wp-content/uploads/2014/03/IMAGE_MAR172014_UNTV-News_MARTIAL-LAW-VICTIMS.png)
FILE IMAGE: Martial Law human rights victims (UNTV News)
MANILA, Philippines — Isinusulong ng human rights group na SELDA (Samahan ng mga Ex-Detainee Laban sa Detensyon at Aresto) na muling isama sa listahan ang mahigit dalawang libong biktima ng Martial Law na na-delist o natanggal sa mga tatanggap ng kompensasyon mula sa administrasyong Aquino.
Magmumula ang pondo sa sampung bilyong piso mula sa Swiss Bank accounts ng pamilya Marcos.
Ayon kay SELDA Chairman Marie Hilao-Enriquez, hindi sapat ang kompensasyon na matatanggap ng mga biktima sa mga paghihirap na kanilang naranasan noong Martial Law, mula September 21, 1972 hanggang February 25, 1986 o noong EDSA revolution.
Sinabi ni Enriquez na mayroong 9,539 detainees sa buong bansa mula sa orihinal na listahan na ipinasa ng grupo sa korte noong 1994, subalit nasa 7,526 na lamang ito ngayon.
Ani Enriquez, “Kami nagtataka, ngayon bakit marami sa mga kasama namin ang wala sa listahan. Hindi kami titigil hanggang hindi maibalik yan kasi gusto namin lahat kami na nagdile dapat kasama.”
Isa sa mga natanggal sa listahan ay si Carol Araullo, dating vice chairperson ng University of the Philippines student council noong panahon ng Martial Law.
Kwento ni Araullo, “When the class suit came around, I was encouraged to file a claim for torture, basically psychological torture. Ang nangyari, wala akong info na nakuha, basta alam ko tuloy-tuloy ang kaso. Then finally nanalo ang kaso, nag-antay ako ng notice. I was never given any notice.”
Dagdag pa nito, “It’s not so much about the money eh, what rankles is dinaanan namin yang human rights violations.”
Una nang naghain ng reklamo ang human rights victims at nakatanggap ang mga ito ng P43,100 bawat isa noong February 2011 mula sa Hawaii account ni Marcos na may kabuoang halaga na $2.5 million.
Tumanggap din ng kompensasyon ang mga biktima nitong Pebrero mula sa pinagbentahan ng Monet painting na pag-aari ni dating First Lady Imelda Marcos.
Ang Marcos Swiss ang ikalawa na sanang kompensasyon na matatanggap ng mga delisted detainee ngayong taon.
Sa ngayon ay pinag-aaralan na ng SELDA ang mga hakbang na pwedeng isagawa ng grupo hinggil sa isyu.
“Mag-aappeal kami sa korte, lahat ng delisted magsabi na dapat i-reinstate sila. Tapos pag-aaralan pa namin ng mga abugado namin kung ano ang best na gawin para dun,” ani Enriquez.
Sinubukan naman ng UNTV News na kunan ng pahayag si Atty. Robert Swift, ang American lawyer ng mga biktima ngunit tumanggi itong magbigay ng pahayag. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)