MANILA, Philippines — Unti-unti nang nagkakahugis ang imbestigasyon sa nawawalang eroplano ng Malaysia Airlines flight MH370.
Ito ang nakikita ngayon ni CAAP Deputy Director General John Andrews sa ika-10 araw ng paghahanap sa eroplano.
Isa sa tinitingnang anggulo ng opisyal ay posibleng nagkaroon na ng pag-uusap ang piloto at Malaysian authorities habang ito ay nasa himpapawid.
Pinagbasehan ni Capt. Andrews ang ulat ng Malaysian Air Force na may namataan silang aircraft subalit hindi sila tiyak kung ito nga ang nawawalang eroplano.
“Nung lumiko yun, posible, meron silang gustong hilingin sa Malaysia. May contact yan either satellite phone or something else na hindi natin alam. Di pa pinapaalam sa atin. Nag-ne-negotiate yan, bakit ko sinasabi yan, kasi hindi sila nagpadala ng interceptor sabi nila hindi nila na-identified. Bakit sila hindi nagpadala? Alam nila kung sino yun.”
Posible rin umanong umasa ang mga negosyador na maaayos agad ang hiling ng piloto kaya’t hindi agad naglabas ng impormasyon ang Malaysian government.
“Bakit tumagal ng ganun? Ang intensyon nila within that span the next hour makaka-terminate sila ng negotiation nila kung anoman ang hinihingi dun. Eh hindi natuloy yun kaya nagiba na ang sinaryo natin.”
Si Capt. Andrews ay may 50 taong karanasan na sa pagpapalipad ng eroplano kaya’t alam na niya ang mga pasikot-sikot.
Ayon sa opisyal, ang Boeing 777 ay may kakayanan ding makapag-ulat ng kalagayan ng makina nito kahit patayin man ang iba pang communication device nito.
“After 2 hrs wala na silang contact sa eroplano, tumuloy na eroplano kung saan. Yun ang sinabi ko nung umpisa, meron naman yung ECARS yung aircraft engine nagre-report yun form time to time giving lahat ng mga parameters ng engine. Walang position yun pero may time ka. Kaya alam nila na lumipad yun for another 5 hrs. in 5 hrs that will easily cover 2,000 miles.”
Kung aksidente din umano ang nangyari sa nawawalang eroplano, dapat ay nakapagpadala ito ng signal bago pa man bumagsak.
“Bago sila makapasok nakatawag na yung mga piloto nakasabi uy meron nang gustong pumasok sa cockpit namin nagme-mayday na yun. Walang tumawag ibig sabihin may kasabwat don, may nangyari sa loob ng cockpit.”
Isinasantabi din ni Capt. Andrews ang anggulong suicide.
Paliwanag nito, “Hindi na suicide ito. Maski ano isipin ko hindi pwede mag-suiside. Ang isang taong gustong mag-suicide biglaan eh. Pag nakapagisip ka na mahirap nang gawin yun lalo na alam mo ilang daang tao na kasama mo dyan. Survival mode na siguro ginagawa nun.” (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)