MANILA, Philippines – Inilabas na ng Korte Suprema nitong Martes ang resulta ng 2013 Bar Examinations.
174 examinees ang pasado sa 2013 Bar Exams na idinaos sa University of Santo Tomas nitong nakaraang Oktubre. Katumbas ito ng 22% ng kabuoang bilang ng examinees na kumuha ng pagsusulit.
Topnotch ang UP College of Law graduate na si Nielson Pangan na nakakuha ng 85.8% rating. Pasok din sa Top 10 ang apat pang graduate ng UP at dalawa mula sa Ateneo.
Ayon kay Associate Justice Arturo Brion na chairman ng Bar Exams Committee, binabaan ng Korte Suprema ang passing rate na 75 at ginawang 73 lamang. Kung hindi aniya binabaan ang passing rate ay 694 lamang ang pasado.
Ayon pa sa mahistrado, discretion ng Korte Suprema na i-adjust ang passing rate ng bar exams.
“We have a long, long discussion about this and the Court finally decided that he grade should be lowered to 73% in light of various factors that the Court considered.”
Sinabi pa ni Brion na nahirapan ang mga examinee sa multiple choice questions o MCQs. Bagama’t sa pagsusulit nitong nakalipas na taon, 20% na lamang ang MCQs at 80% naman ang essay questions.
“Many of our candidates have problems with the MCQ type of questions but generally, they did very well with the essay questions,” saad pa nito.
Pag-aaralan naman ng korte kung pananatilihin o aalisin na ang multiple choice questions sa susunod na bar exams.
Pahayag ni Brion, “MCQs with analytical content, this has been the problem. We have to grapple, in the future, even in the coming 2014 exams, with what to do with MCQs.
Itinakda ang oath-taking ng mga bagong abogado sa Abril 28 sa PICC sa Pasay City. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)