MANILA, Philippines – Matapos mailabas ng Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) ang kanilang kompyutasyon sa umano’y market failure sa presyuhan ng kuryente sa merkado nang magkaroon ng maintenance shutdown ang Malampaya noong nakaraang taon, naglabas naman ng sariling computation ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa mahigit apat na pisong pagtaas sa generation charge noong Disyembre at sa mahigit limang pisong pagtaas sa generation charge noong Enero.
Giit ni ERC Executive Director, Atty. Francis Juan, tama ang ginawa nilang kompyutasyon.
“Ang sa amin naman, tinignan namin ito base sa methodology. Ang ginagamit talaga sa pagkalkula ng generation charges ng utilities, kinukuha yung total absolute amount na kanilang babayaran sa iba’t ibang customers.”
Dahil sa epektibo pa rin ang temporary restraining order ng Korte Suprema, ang bill ng Disyembre, ang bayarin lamang para sa Enero ang maaring maipasa sa mga consumer.
Bagama’t hindi pa nila natatapos ang kanilang computation, tiniyak ni MERALCO Spokesperson Joe Zaldarriaga na nasa mahigit pitumpung porsyento ang matatapyas sa generation charge.
“Sa inisyal na nakikita po namin based sa calculation so far that we have pero hindi pa final, nalalapit po at mukang tama po yung figure na binaggit ng ERC kahapon,” saad nito.
Ipapasa ito ng MERALCO sa ERC upang maaprubahan, at tsaka pa lamang ito pagaaralan ng ERC kung marapat ba itong ipasa ng utay-utay o isang bagsakan sa mga consumer.
Tiniyak ng MERALCO sa lahat ng mga customer nito na hindi pa ito maiimplementa ngayong buwan o maging sa susunod na buwan.
Sa pamamagitan ng mga naturang kompyutasyon, masasabi na kung magkano ang tunay na halaga na dapat bayaran ng mga costomer sa MERALCO at sa ibang distribution utilities.
Samantala, naghain naman ng motion to dismiss ang grupong AKBAYAN sa ERC upang pigilin ang pinakahuling aplikasyon ng MERALCO sa dagdag singil sa kuryente.
“Yung hinihiling ng MERALCO na mahigit limampiso na pagtaas na hiningi nila ng Pebrero ay dapat ipawalang bisa na din ng ERC,” giit ni AKBAYAN Partylist Representative Barry Gutierrez.
Bukas ay ilalabas na ng MERALCO ang pinal na kalkulasyon sa kung magkano ang halagang dapat maipasa sa mga consumer. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)