MANILA, Philippines – Pinaboran ng Korte Suprema ang Bureau of Customs sa pagkumpiska sa nasa 190-libong sako ng imported na bigas sa mga pantalan ng Maynila.
Isang temporary restraining order ang inilabas ng Korte Suprema at pinagbawalan ang dalawang consignee na ilabas ang kargamento sa Port of Manila at Manila International Container Port.
Kinumpiska ng Customs ang naturang kargamento nitong nakaraang taon dahil sa kawalan ng import permits.
Pinagbabawalan din sa naturang TRO si Manila Regional Trial Court Branch 11, Judge Cicero Jurado Jr. na ipatupad ang kanyang mga kautusan laban sa BOC.
Una nang iniutos ni Judge Jurado sa Bureau of Customs na i-release ang kinumpiskang shipment ng imported na bigas.
Pinagpapaliwanag ng Korte Suprema ang huwes at inatasang sagutin ang petisyon laban sa kanya ng Department of Agriculture at Bureau of Customs.
Sa kanilang inihaing petisyon, sinabi ng DA at BOC na inabuso ni Judge Jurado ang kanyang kapangyarihan nang maglabas ito ng TRO nitong nakaraang buwan pabor sa consignee ng smuggled na mga bigas.
Una nang naglabas ng kaparehong TRO ang Korte Suprema laban sa isang huwes sa Davao City na pumigil din sa Bureau of Customs na kumpiskahin ang mga smuggled na bigas doon.
May kapareho ring mga insidente sa Batangas at Cebu kung saan nakakakuha ng TRO sa mga huwes ang mga rice trader upang huwag magalaw ng customs ang kanilang mga kargamento ng imported na bigas.
Itinuturing ng BOC na smuggled at kinukumpiska ang mga bigas na walang kaukulang import permits. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)