PASIG CITY, Philippines – Alas-12 ng hatinggabi nitong Lunes nang makatanggap ng tawag ang UNTV News and Rescue Team mula sa isang concerned citizen kaugnay ng isang lalaki na tumalon umano sa Jenny’s Bridge sa Brgy. Rosario, Pasig City.
Agad namang pinuntahan ng grupo ang lugar at nadatnan ang mga tao na pinagkakaguluhan ang lalaki na na-trap sa mga water lily.
Una nang rumesponde sa insidente ang Pasig Rescue Unit.
“Ang shout lang sa amin may nalaglag daw dito at na-trap daw sa water lily, so dito kami para kunin sila by means of rope, rope rescue.”
Sa tulong naman ng mga residente sa lugar, mabilis na na-rescue ang lalaki na ginaw na ginaw dahil sa tagal nitong nakababad sa tubig.
“Tinulungan ko na … ako agad ung tumalon,” pahayag ni Joed.
Nang maiahon, agad naman itong isinugod ng News and Rescue Team sa pinakamalapit na ospital.
Kinilala ang lalaki sa pangalang Jenuel Advincula, 21 anyos, 2nd year college sa isang pamantasan sa Pasig na taga Taytay, Rizal.
Ayon sa tiyahin ng biktima, problema umano sa pamilya ang posibleng dahilan ng pagpapakamatay ni Advincula. (UNTV News)