MANILA, Philippines — Ang karamdaman ng anak ang naging inspirasyon ng baguhang kompositor na si Arniel Villagonza na mula sa Butuan City upang lumikha ng papuring awit at tanghaling weekly winner sa A Song of Praise (ASOP) Music Festival, Linggo, March 23.
Ayon kay Arniel, nabuo niya ang awiting “Tanging Gabay” dahil sa naramdamang paggabay ng Maykapal sa pagharap nito sa mga problema sa buhay.
Sa labis na pagpasalamat sa Dios at sa programa, inialay din nito ang kanyang pagkapanalo sa kanyang kaisa-isang anak na lalaki na may cerebral palsy.
“Inspirasyon ko po ‘yung ASOP kaya nagawa ko ang kanta po. Tapos syempre ‘yung anak ko, para sa kanya ito tsaka kay Lord po. Maraming salamat po,” saad nito.
Ayon kay Gian, “Nagpapasalamat ako kay Lord kasi ako ‘yung napiling mag-interpret nung song na ginawa ni Kuya Arniel for his kid. Sana maraming ma-inspire na tao dito sa kantang ‘to.”
Dinaig ng “Tanging Gabay” ang mga awiting “Kaloob Mo” ni Emmanuel Locso sa rendisyon ng bokalistang si Michael Artita at “It’s You” ni Joana Marie Valenzuela sa interpretasyon naman ni Nica Del Rosario. (Adjes Carreon / Ruth Navales, UNTV News)