MANILA, Philippines – Dahil sa 6-point lead kontra House of Representatives, napanatili ng Team Philhealth (Your Partner in Health) ang clean record nito sa score na 81-75, sa nalalapit na pagtatapos ng first round of eliminations ng UNTV Cup 2 sa Ynares Sports Arena nitong Linggo, March 23, 2014.
Leader ngayon ang Philhealth sa record na 4 wins.
Lalo namang nanganib ang Solons na malaglag sa Group B na wala pang panalo sa tatlo nitong laban.
Sa last 3-minutes, nagawa pang dumikit at makaabante ng isang puntos ang Solons, 70-69 sa pamamagitan ng fast break play nina re-enforcement player Gerard Francisco at Palawan First District Congressman Franz Alvarez na nakapagtala ng kabuoang 14 points.
Agad naman itong tinunaw ng Philhealth dahil sa mga jump shots ni Rey Tagupa.
“Sabi ni Coach sa amin dun sa dug-out ‘guys go hard lang tayo’ sabi nya i-run lang natin yun game plan para manalo kami,” pahayag ni Alfeche.
Sa second game, siniguro ng LGU Vanguards ang pagpasok sa second round eliminations nang tambakan nito ng 33 points ang DOJ Avengers, 102-69.
Naging problema ng Avengers ang pagkawala ng mga key player nito na sina Paul Reguera, Denver Lacanilao, at Rosauro Dantis na nasa importanteng duty.
Dahil dito, una nang nagpaalam sa liga ang Team Department of Justice matapos bigong makakuha ng panalo sa apat na game.
“Kuya Daniel maraming salamat uli sa Season-2, pangalawang laglag na namin ito pero next time pipilitin naming makaahon,” saad ni Iluminado Cabrido Jr, Team Coordinator ng DOJ Avengers.
“Ginawa naman namin ang lahat kaya lang hindi pinalad. Siguro sa susunod kapag nakuha uli kami itong Seson-3 baka makabawi,” dagdag pa nito.
Kumamada naman ng 14 points, 8 rebounds, at 3 assists ang celebrity player na si Ervic Vijandre.
“Unang-una masaya ito may pag-asa pa especially yung mga umaasa sa ating OFW natin na eto laban pa rin naman. Ang sa akin lang naman yung best player na yan eh bonus na lang eh, ang gusto lang naman natin manalo at ma-involved ang mga kasamahan natin,” pahayag naman ni Francis Adriano ng LGU Vanguards, player of the game.
Sa third match, pinadapa ng PNP Responders ang Senate Defenders sa score na 93-53.
Nahirapan ang koponan ng Senado dahil hindi nakalaro ang inaasahang reinforcement player nito na si Kenneth Duremdes.
Maaga ring pinulikat ang isa sa ex-PBA player na si Zaldy Realubit kaya maging si Coach Lino Ong ay naglaro na din at nagbigay ng 5 points at 7 rebounds para sa team.
Umikot ang bola ng PNP at kapwa may 10 points sina PO3 Jay Mann Misola at PO2 Japhet Cabahug.
Samantala tig-9 na puntos sina PO2 Ollan Omiping, SPO1 Julius Criste, C/Insp Rey Agoncillo, at Edrei Mendiola.
May karta ngayong 3-1 panalo-talo ang Philippine National Police, samantalang bumagsak sa 1-3 ang record ng Team Senate.
“Pinaghandaan din namin ng maigi kasi ine-expect naming maglalaro si Kenneth tsaka tingin naming mahihirapan kami kaya naghanda kami. Tapos medyo apprehensive pa nga kami kasi more than 3 weeks kaming pahinga kaya sabi ni Coach takbo na lang para lumabas ang pawis nyo,” anang player of the game na si Misola.
Sa ngayon ay nasa itaas na ng team standing ang Philhealth, sumusunod ang Judiciary Magis at kapwa nasa ikatlong pwesto ang PNP at AFP. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)