MANILA, Philippines — Nahaharap sa patung-patong na kasong tax evasion ang presidente ng Philippine Medical Association (PMA) na si Doctor Leo Olarte.
Ito’y matapos maghain ng pormal na reklamo ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) laban sa doktor.
Ayon kay BIR Commissioner Kim Henares, hindi nagbayad si Olarte ng kanyang income tax at value added tax sa loob ng pitong taon mula 2006 hanggang 2012.
Base sa records ng BIR, umaabot sa P2.93 million ang buwis na dapat bayaran ni Olarte.
Bukod sa pagiging doktor, isa ring abogado si Olarte at nagtuturo sa ilang malalaking unibersidad sa Maynila.
“He’s employed by several people and he has his own profession so he is required by law to file an income tax return,” pahayag ng kalihim.
Ayon pa kay Henares, dinadaya umano ni Olarte ang kanyang tax records kasabwat ang ilang empleyado ng BIR upang mailihim ang hindi niya pagbabayad ng buwis.
Iimbestigahan ng BIR ang mga empleyadong posibleng naging kasabwat ni Olarte upang mapanagot din ang mga ito.
Tugon din aniya ito sa pahayag ni Olarte na sa halip na magsagawa ng shame campaign ang BIR ay magsampa na lamang ng kaso laban sa mga doctor na hindi nagbabayad ng tamang buwis sa pamahalaan.
“Kung meron ho kaming alam na doktor, imbes na nag-i-insinuate kami, file-an na lang namin so pinagbigyan ko lang naman ang request niya.”
Nilinaw naman ni Henares na dati na nilang iniimbestigahan si Olarte dahil may natanggap na silang reklamo laban dito nitong nakalipas na taon.
“Meron na hong nag-complain tungkol sa kanya. Even before the ads,” ani Henares.
Samantala, sinampahan din ng BIR ng kasong tax evasion ang Izumo Contractors Incorporated, isang construction company na pagmamay-ari ni Cedric Lee.
Kaugnay ito sa hindi tamang pagdedeklara ng kumpanya ng kinita nito sa mga kontratang nakuha sa mga lokal na pamahalaan ng Butuan City, San Juan City, Pasay City, Lalawigan ng Davao Del Sur at bayan ng Tagudin, Ilocos Sur.
Kabuuang P194.47 na buwis ang hinahabol ng BIR sa kumpanya ni Cedric Lee. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)