MANILA, Philippines – Nilagdaan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang panukalang batas para sa modernisasyon ng Bureau of Corrections (BuCor).
Nakapaloob sa bagong batas ang modernisasyon ng BuCor na namamahala sa pitong bilangguan sa bansa kabilang na ang New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.
Itinatag ang BuCor sa bisa ng Prison Act of 1917 at ang lumang batas na ito ang ginagamit sa pangangasiwa sa ahensiya sa loob ng halos isandaang taon hanggang ngayon.
Ayon kay Justice Secretary Leila De Lima, layon ng Republic Act 10575 na i-upgrade ang prison facility, i-restructure ang kawanihan at itaas ang sweldo at benepisyo ng mga empleyado.
Inatasan na ng kalihim ang director ng BuCor na ipatupad ang nilagdaang batas alinsunod na rin sa itinakdang panuntunan ng United Nations (UN) hinggil sa pangangalaga sa mga bilanggo.
Sinabi rin ni De Lima na sinimulan na nila ang pagpapatupad ng mga construction project sa ilang prison facility sa bansa. (Roderic Mendoza & Ruth Navales, UNTV News)