MANILA, Philippines — Bumaba ang kaso ng carnapping sa bansa ngayong taon kumpara noong 2012.
Ayon kay Highway Patrol Group (HPG) Spokesperson Police Supt. Elizabeth Velasquez, umabot lamang sa 331 ang naitalang kaso ng carnapping simula noong Enero hanggang Abril ngayong taon, kumpara sa 496 noong 2012 ng kaparehong buwan.
“Malaki ang ibinaba ng carnapping ngayon, if you will compare from last year 2012 halos kalahati ang ibinaba.”
Sa kabila ng pagbaba ng kaso ng carnapping, pinag-iingat pa rin ng HPG ang mga may-ari ng sasakyan lalo na ang may mga L300 FB dahil dalawang kaso na ang nai-report sa kanila sa loob lamang ng isang linggo ngayong Mayo sa Metro Manila.
“Ang nakikita naming rason ay in-demand ang mga parts nito, maaaring nasisira ung ibang ginagamit nila ngayong UV express at posibleng nangunguha sila ng sasakyan para ipalit yung mga parts.”
Pinapayuhan naman ng HPG ang mga nawawalan ng sasakyan na agad ipa-blotter sa pinakamalapit na istasyon ng pulis at pumunta sa kanilang tanggapan dala ang police report, official receipt at certificate of registration at iba pang dokumento para agad na maipaalarma. (Lea Ylagan & Ruth Navales, UNTV News)