MANILA, Philippines —Nakabitin pa rin sa ngayon ang kapalaran nina Ruby Tuason at Dennis Cunanan kaugnay ng kanilang aplikasyon na maging testigo sa pork barrel scam.
May provisional coverage sa witness protection program sina Tuason at Cunanan matapos tanggapin ng Department of Justice ang alok ng mga ito na maging testigo ng gobyerno.
Ngunit ayon kay Secretary Leila de Lima, wala pang aksyon sa ngayon ang Ombudsman kung irerekomenda nito na gawing state witness ang dalawa.
Ani Sec. De Lima, “Hindi lang namin alam ngayon kung kailan aaksyunan iyan. Pending pa rin. Wala pang desisyon sa usapin na iyan dahil inuna na muna yung liability nila.”
Isinama ng Ombudsman ang dalawa sa mga nakatakdang sampahan ng kasong plunder kaugnay ng umano’y anomalya sa bilyon-bilyong pisong pork barrel ng mga mambabatas.
Ayon kay Secretary De Lima, sakaling tuluyang kasuhan ng ombudsman sina Tuason at Cunanan, wala itong epekto sa kanilang pagnanais na maging testigo ng gobyerno.
“Yun talaga ang tamang proseso —i-determine na muna. Kasi sabi nga, kung na-determine nila na hindi naman pala liable si Mrs. Tuason at si Dennis Cunanan, then magiging irrelevant yung application nila as state witness.”
Si Tuason ang nagsilbi umanong kinatawan ng dalawang senador sa pagkuha ng komisyon sa kanilang PDAF mula kay Janet Napoles.
Aminado ito na nakatanggap din siya ng komisyon sa mga transaksyon kay Napoles.
Si Cunanan naman ay dating Deputy Director General ng Technology Resource Center o TRC, na nagsilbing implementing agency ng mga maanomalyang proyekto ng mga pekeng NGO ni Napoles.
Hanggang ngayon ay itinatanggi nito na tumanggap siya ng komisyon sa mga transaksyon ng pork barrel.
Ngunit sa nakaraang pagdinig ng Senado, sinabi ni Benhur Luy na tumanggap si Cunanan ng halos isang milyong pisong komisyon mula kay Napoles. (RODERIC MENDOZA, UNTV News)