MANILA, Philippines — Naghain ng “not guilty” plea ang mag-aamang Ampatuan matapos basahan ng sakdal kanina, kaugnay sa kasong pagpatay sa ika-58 biktima ng malagim na Maguindanao massacre.
Ang arraignment ay kaugnay sa kasong pagpatay sa biktimang si Reynaldo Momay, photojournalist ng Midland Review.
Kasama sa binasahan ng sakdal ang tatlong miyembro ng pamilya Ampatuan na primary suspect sa kaso kabilang sina Datu Andal Ampatuan Sr., Datu Andal Ampatuan Jr. at Zaldy Ampatuan.
Bahagya namang naantala ang pagbasa ng sakdal nang hilingin ng prosekusyon na ipagpaliban ang arraignment para maiayos ang listahan ng mga akusado.
Agad tumutol ang depensa at nagpahayag na dini-delay ng kampo ng mga taga-usig ang pagdinig.
Ayon kay Atty. Sigfrid Fortun, kung may balak ang prosekusyon na ayusin ang listahan ng mga akusado dapat ay matagal na nila itong ginawa.
Matapos ang ilang minutong pagtatalo ay itinuloy pa rin ng hukom ang arraignment.
Matapos basahin sa Filipino, Maguindanaoan at Cebuano dialect ang sakdal, isa-isa namang sumagot ng “not guilty” ang 78 akusado.
Sinabi ni Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu na bagama’t alam na nila ang isasagot ng mga akusado, naniniwala pa rin itong makakamit nila ang hustisya.
“Expected na namin yun… Confident pa rin kami na sa mga darating na panahon kami pa rin ang mananalo.”
Samantala, tagumpay namang itinuturing ng pamilya ni Momay ang pagkakasali nito sa listahan ng mga biktima ng karumaldumal na krimen.
Hindi agad naisama si Momay sa mga biktima dahil hindi pa nakikita ang kanyang bangkay hanggang sa kasalukuyan. (Victor Cosare & Ruth Navales, UNTV News)