IRIGA CITY, Philippines – Nagdadalamhati ngayon ang pamilya at kaanak ni 2nd Lieutenant Alfredo Lorin VI, isa sa pitong miyembro ng Philippine Marines na nasawi sa pakikipagsagupa sa mga bandidong Abu Sayyaf sa Patikul, Sulu noong Sabado.
Alas-4:30 ng umaga nitong Wednesday nang dumating sa Iriga City ang labi ni Lorin at agad idineretso sa kanilang tahanan sa Barangay Santiago sa naturang lungsod.
Ayon sa ama nitong si Mang Alredo Lorin Sr., labis ang kanilang pagkabigla nang tawagan siya ng kanyang panganay na anak upang ipaalam ang sinapit ng bunsong anak.
“Hindi namin aakalain na kapag mga ganyan eh kapag mamalasin… masakit lang sa kalooban kasi kung alin pa yung anak kong pinakabata…”
Kahit pinipigil ni Mang Alfredo ang kanyang emosyon ay bakas pa rin sa mga mata nito ang lungkot sa pagkawala ng kanyang anak na kung tawagin niya ay si Limboy.
Kwento pa ni Mang Alfredo, pangarap sana ni Limboy na makabili ng sariling lupa para sa kanyang pamilya.
“’Di pa makapaniwala na iiwan na kami… marami pa syang pangrap sa pamilya namin kaya nga hindi pa siya nagaasawa eh.”
Samantala, nakatakda namang ibalik sa Metro Manila sa Biyernes ang labi ni Lt. Lorin para sa kanyang libing sa Sabado sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City. (Allan Manansala & Ruth Navales, UNTV News)