MANILA, Philippines — Inirerekomenda ng Department of Health (DOH) sa lahat ng paaralan sa bansa na magkaroon ng mas mahabang oras na ehersisyo ang bawat estudyante simula ngayong darating na pasukan.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, maraming paraan upang magkaroon ng mas mahabang oras sa physical activity ang mga bata.
“Inirekomenda din namin ang 150 minute na ehersisyo, 30 minuto kada araw sa bawat bata, sapagkat importante to para mapanatili ang kalusugan, ang kakulangan sa ehersisyo ay hindi po maganda.”
Ayon sa DOH, maraming mga bata ngayon ang nagiging sakitin dahil sa kakulangan ng ehersisyo lalo na at karamihan ay nalululong sa mga computer games at panonood ng matagal sa TV.
Dahil dito, inirekomenda ng DOH sa DepEd na magkaroon ng mga laro o di kaya’y paglilinis sa PE Class ng mga bata.
Paliwanag ni Tayag, kung problema ang espasyo sa ilang eskwelahan, pwede naman itong gawin kahit sa loob ng mga silid aralan.
Maaari ding gumawa ng isang sayaw na pwedeng maging ehersisyo sa loob ng mga classroom.
Ayon naman sa DepED, maganda ang panukala ng DOH subalit kailangan pa umano nila itong pag-aaralan dahil gugugol ito ng mas malaking oras at maaaring masakripisyo ang ilang aralin sa mga eskwelahan. (Mon Jocson & Ruth Navales, UNTV News)