MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Vice President at Presidential Adviser on OFW Concerns Jejomar Binay na naglabas na ng “tanazul” o affidavit of forgiveness ang pamilya ng napatay ng overseas Filipino worker (OFW) na si Rodelio “Dondon” Lanuza sa Saudi Arabia.
Kasabay ito ng pagsasabing naayos na rin ng Philippine Embassy sa Riyadh ang blood money ni Lanuza.
Ayon kay VP Binay, nasa kamay na lamang ng Dammam Court kung kailan magpapalabas ng release order upang makalaya na si Lanuza.
Hindi naman matiyak ng bise presidente kung kailan makakauwi ng Pilipinas si Lanuza.
Kasabay nito, nagpasalamat rin si Binay sa pagsagot ng Saudi Arabia sa 2.3 million Saudi Arabian Riyal (SAR) na kakulangan sa blood money ni Lanuza, gayundin sa mga opisyal ng embahada at iba pang kababayang tumulong para mapunan ang blood money.
Nais naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na makahingi ng formal letter sa nasabing pagpapatawad ng pamilya ng napatay ng OFW.
Magugunitang taong 2000 nang mapatay ni Lanuza ang isang Saudi national na nanutok umano sa kanya ng kutsilyo at tinangka siyang gahasain. (Bryan De Paz & Ruth Navales, UNTV News)