MANILA, Philippines — Nakakadalawang balik na sa Ospital ng Makati ang mga imbestigador ng DOJ at NBI upang makuha ang salaysay ni Janet Napoles tungkol sa Pork Barrel Scam.
Subalit hindi pa rin nakukuha ang buong salaysay nito sa anomalya.
Ayon kay Secretary Leila De Lima, nag-iisip na sila ng paraan upang matapos na ang pagkuha sa salaysay ni Napoles nang hindi pabalik-balik doon ang kanilang team.
“Kung i-provide na ba nila yung buong statement in writing— kasi based on her personal knowledge naman yan, baka mas ma-facilitate and manggagaling talaga sa kanila. Walang magiging mga suspetsa na dinidiktahan namin or ini-influence o iniiba yung istorya niya,” ani De Lima.
Kakausapin din ng kalihim ang investigation team upang hingan ng ideya kung paano mapapadali ang pagkuha sa buong salaysay ni Napoles.
Sa ikalawang sesyon ng team kay Napoles nitong Lunes ng gabi, dalawang oras lamang nila itong nakausap dahil sa kondisyon ng kalusugan nito.
Ilang detalye at mga paglilinaw lamang sa kanyang naunang pahayag ang nakuha ng team kay Napoles.
Samantala, lilinawin din ng DOJ kay Napoles ang ulat na nasangkot din ito sa umano’y anomalya sa proyekto ng DOTC noong 2002 na nagkakahalaga ng 400-million pesos.
Base sa ulat, nagsilbing supplier ng mga computer at laptop ang kumpanya ni Napoles na Jo Chris trading na pinatatakbo ng panganay nitong anak.
“Kasama ‘yan sa mga iva-validate namin, yung mga ganyan na mga panibagong information. We can also check it out with Benhur and the other whistleblowers,” pahayag ni De Lima.
Nakatakda namang makipagpulong si De Lima kina Benhur Luy at sa iba pang whistleblowers sa darating na Biyernes.
Tatalakayin sa pulong ang pagtutol ng mga whistleblower na maging state witness si Napoles sa Pork Barrel Scam. (RODERICK MENDOZA, UNTV News)