California, USA – Tatlong “grandmasters of memory” na mula sa Pilipinas ang sumabak sa Extreme Memory Tournament 2014 sa Dart Neuroscience Convention Center sa San Diego, California na ginanap noong Abril 26 at 27, 2014.
Nakipagtagisan ng memorya sa labing-anim na mental athletes sa buong mundo ang kinatawan ng Pilipinas na sina Mark Anthony Castañeda, Johann Randall Abrina, at Erwin Balines.
“Halos one month, puro training kami. So, nagdevelop kami ng system, yun ang aming pinapractice don sa lahat ng event na paglalabanan,” pahayag ni Coach Robert Racasa, Philippine Memory Team.
Nakapasok sa semi finals ang pambato ng Pilipinas na si Mark Anthony Castañeda matapos talunin ang world no. 4 na si Ola Kare Risa ng Norway sa score na 4-1.
Abot kamay na nga ang tagumpay ni Mark matapos makaharap sa semis sina world number 1 Johannes Mallow ng Germany, world number 2 Simon Reinhard ng Germany, at world number 3 Jonas Von Essen ng Sweden.
Ngunit sa huli ay nakuha ni Mark ang 4th place sa Dart Extreme Memory Tournament 2014 matapos matalo kay Jonas Von Essen at makuha ang bronze medal.
Tinanghal 2014 Extreme Memory Tournament champion si Simon Reinhard ng Germany matapos ma-recite sa loob lamang ng labing-limang segundo ang 15 spoken random words and numbers at maayos ang binary combinations ng mga coins sa checkered board.
Nakuha ni Johannes Mallow ang second place, habang third placer naman si Jonas Von Essen.
Ayon kay Mark, di man nila nakuha ang kampeonato malaking karangalan na rin sa kanila na maging kinatawan ng Pilipinas sa isang bigating torneo.
“Pagbutihin lang po nila yung ginagawa nila, kung ano yung passion nila sa mga ginagawa nila, wag silang titigil. Practisin deliberately kung anomang field yon, then hopefully makukuha nila yung success.”
Ayon sa 3-time US Memory champion gayun din ang creator at organizer ng torneo na si Nelson Dellis, mas kakaibang tournament ang nasaksihan ng mga manlalaro ngayon kumpara sa nakalipas na taon.
“A few years ago I was thinking of ways to make the current competitions a lot more exciting, a lot more accessible and interesting for the viewers. It’s obviously very hard to see someone’s mind when they’re memorizing. That’s why a lot of events are on the screen, and you can see exactly what they’re doing how they are going through it. The audience can follow along. And we kept it short,” saad nito. (Beverly Sayson / Ruth Navales, UNTV News)