LAGUNA, Philippines – Ipinagdiwang ngayong araw ni Pangulong Benigno Aquino III ang Labor Day, sa pag-iikot sa mga semiconductor at electronics company sa Laguna.
Unang binisita ng pangulo ang mga pasilidad ng Testech Group sa International Park sa Calamba, Laguna.
Kasunod na pinuntahan ni Pangulong Aquino ang Integrated Micro Electronics na nasa Export Processing Zone sa Biñan City, Laguna.
Sa talumpati ni Pangulong Aquino, sinabi niya na layon ng kaniyang paglilibot na makita ang bunga ng mga programa ng pamahalaan.
Partikular na ang training for work program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
“Dagdag pa po rito malinaw po ang sagisag ng paglagong tinatamasa ng semiconductors and electronics industry ang pagdami ng inyong mga manggagawa ay kumakatawan sa inyong pagtataya sa ating ekonomiya at pakikiambag niyo sa positibong transpormasyon ng lipunan.”
Iniulat ni Pangulong Aquino na 91.43% ang naging employment rate sa mga semiconductor at electronics industry na ang mga empleyado ay mula sa scholarship program ng TESDA.
Dahilan upang malaki ang maging ambag ng industriyang ito sa ekonomiya ng bansa.
“Noon pong nakaraang taon, tumaas ng 22.8% ang ambag ng manufacturing sa ating pambansang ekonomiya malaki po ang naitulong ng inyong industriya sa pagsilang nito noong nakaraang taon sa kabuoang $58.3 billion na nailuwas ng ating bansa 40.4% ang nanggaling sa electronic industry tinatayang 18.6 % ang kabuoang GDP ng ating bansa ang nanggagaling mula sa ating electronics export.”
Ayon kay Presidential Communication Secretary Herminio Coloma Junior, ngayong Labor Day ay binisita ng pangulo ang electronics at semiconductors industries dahil isa ito sa tinututukang sektor ng administrasyong Aquino upang makalikha ng maraming trabaho sa bansa. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)